Mayuming Ikebana sa Madugong Dabaw
Lumantik pati mga sungay ng kalabaw
Nang mabudburan ng kahit saga-sagasaang bulaklak
Kasama ng mga ugat na naging sanga, nangakaliyad
Na tila babagsak, may nag-iinat, may nakalugay,
May talahib na tila pulandit ng dugong buhay,
Nagtatangusang plorerang kristal o malalawak
Na pinggang may tinik sa loob---walang kadahas-
Dahas---lahat ay dalisay, tahimik na sayaw
Sa kanilang walang-kagalaw-galaw
Na pagkakaluklok sa mga pedestal,
Kinahahangaan, kinangangangahan ng mga taong
Kunwari'y ang layu-layo
Sa mga tunay na dugo at inapakang bulaklak,
Sa mga pinggang nakatitig at buwal na kalabaw,
Sa mga nakaliyad na tunay na bangkay
Sa labas, diyan lang sa tapat, ng tanghalang
May iniladong hangin at pinalamutiang sungay.
- Albert E.
Alejo, SJ |